Monday, November 23, 2009

FINALE

Isang sigaw lang ang hihilingin ko sayo…


Nagkarera na ang mga araw at nagpaligsahan ang mga buwan
Dumaan din ang libo-libong gabi at lungkot lagi ang namamayani
Ilang beses ng kumaway palayo ang mga numero ng orasan
At ilang beses na ring sumayaw ang mga titik sa salitang paalam

Isang tahimik na yuko lang lagi ang tinutugon ko
Pumapailalim lang ako sa makulimlim na kulay na pinili mo
Hindi ko tinangkang labanan ka sa paraang hindi mo kaya
hinayaan pa nga kitang silipin mga kulay ng aking baraha

Nagpyepyesta na ang mga karatig nating baranggay
Habang tayo lulan pa rin ng sasakyang nababalot ng ingay
Sinadya kong manatili sa puwesto kung san mo ako iniwan
Para hindi ka maligaw, alam mo kung saan ako babalikan

Tapos na ang pelikula, sarado na ang kurtina
Nagsiuwian na din ang lahat ng mga kontrabida
Tayo na lang ang natitirang nakatayo sa entablado
Kaya mo na kayang basagin ang katahimikang niyayakap mo?

Ilang beses kong isinigaw sa hangin ang iyong pangalan
Nasagot ko na rin lahat ng iyong pag aalinlangan
Kinalimutan kong minsan, binalot mo ako sa isang lumang kahon
Wala akong ibang gustong gawin kundi harapin ang ngayon

Isang sigaw lang ang laman ng wish ko…


Isang sigaw lang….


Galing sayo…


“hindi ko na ulit iiwanan ang tangang katabi ko”

Tuesday, November 17, 2009

l a s t f l i g h t

huling byahe na natin to
at may huling pakiusap ako sayo
sana sumabay ka na sa akin
saan man tayo dalhin ng hangin


huling byahe na kasi natin to
gusto ko maging masaya na tayo
wala ng bilangan ng sukli
at wala ng baryang ikukubli


huling byahe na talaga natin to
kapag hindi ka pa sumakay
tuluyan na tayong magkakahiwalay
at baka ang ngiti ko'y di na muling sumilay


peksman huling byahe na to
ayusin na natin ang lahat
ililigpit ko na lahat ng aking kalatat
sana wala na tayong marinig na sumbat


last flight na to



sasabay ka na ba talaga?





baka kasi bigla ka na namang pumara

Thursday, November 5, 2009

ako at ang mrt

lagi akong sumasakay sa mrt. kaya araw araw madami akong nasasagap na chismis pero mas madami pa din yung mga karanasang pwede kong maimbak sa baul. yung tipong pwede kong isama kapag kinakalabit na ko ni bro para sumama sa kanya para maghasik ng kabutihan sa taas (charaaan)
kapag araw araw ka palang nasa istasyon ng tren, araw araw kang makakapulot ng mga moral lessons. sa kasalukuyan may lima na akong naipon:
una-hindi pala masarap sa pakiramdam kapag sinisiksik mo ang sarili mo para lang magkasya ka sa loob ng tren. nakakaawa ding tingnan na namimilipit ka na para lang makapasok samantalang meron namang dadating na maluwag na tren. yun nga lang malalate ka ng ilang oras. kaya naisip ko, hindi pala ganun kahalaga ang oras kung ang kapalit naman ng masasayang na sandali ay ginhawa ng yong pakiramdam. nakakatawa pala na may mga taong pilit sinisiksik ang sarili nila sa taong hindi naman sila kayang yakapin para hindi sila bumagsak. kaya ako di bale ng malate wag lang maipit.
pangalawa-nakakadistruct pala kapag sisksikan tapos may katabi ka pang nag aalaga ng pet sa buhok. mawawalan ka ng concentration at kahit sobrang lakas mo pwede ka pa ring matumba. one time kasi yung katabi ko yung pet nya aliw na aliw mamasyal, kitang kita ko na naglalakad sya na para lang syang nasa luneta, kaya yun sa sobrang distruction hindi ko napaghandaan ang pagpreno. dahil dito nalaman ko na hindi lahat ng maliliit mahina. may angkin din silang kakaibang lakas. kaya simula noon tinigilan ko na ang pagbubully sa ofismate kong 4'11.
pangatlo-nakakainis pala kapag punuan na at pawis na pawis na yung lahat tapos may bigla na lang maglalabas ng sama ng loob. nakakamatay pala ang ganung sitwasyon. naisip ko tuloy na may tama pala talagang oras kung kailan ka lang magpapaputok. lahat pala ng bagay may right timing.
pang apat-badtrip pala kapag nagmamadali ka na tapos bigla kang maiiwan ng tren. yung mga tipong todo takbo ka na tapos hindi ka aabot. dahil dito kaya ako naniwala na totoo pala talagang nakakabadtrip kapag naiiwan. lalo na kapag sa tingin mo ginawa mo naman ang lahat. mga dramang tinimbang ka ngunit kulang.
panglima-ito ang pinakagusto ko. mas maganda pala kapag bumibili ka ng stored value. kasi kapag boni to ayala lang ang byahe mo laging may matitirang piso at sa halagang ito pwede kang sumakay ng tren papunta sa pinakamalayong istasyon. dito ko lubos naisip na kung may pagkakataon kang maglakbay ng kalahati lang ang babayaran mo o wala pa nga sa kalahati, mas maganda kung sa pinakamalayo ka hihinto. parang mga broken hearted lang, kapag nasaktan ka tapos may chance ka na magmove on pilitin mong humakbang ng sobrang layo, yung tipong kahit noo mo hindi na makikita. at sabi nga ni eminem "if you had one chance, one opportunity to seize everything you wanted, would you capture it or let it slip?"
dahil sa mga nadadampot ko sa mrt. tingin ko araw araw na talaga akong sasakay dito...malay mo bigla kong marealize na hindi pala lahat ng taong namimiss mo...
NAMIMISS KA RIN

bukas makalawa ikaw naman ang iiyak

nasa farmers tayo ng unang pumatak ang luha ko
para kasing kakabit mo ang salitang malabo
di kita maintindihan, kahit anong paliwanag mo
at pakiramdam ko lahat ng bagay dito'y sadyang magulo

nakakainis din yung nangyari sa trinoma
lahat kasi ng lumalabas sa bibig mo puro patama
sinubukan ko namang umilag pero sapul pa din ako
kumanan na ko at kumaliwa, wala pa ding epekto

pulang pula na ang mata ko nung nasa robinsons tayo
hindi ko alam kung bakit ito lagi ang trip mo
masaya ka ba kapag nakikita mo akong umiiyak?
ramdam mo ba ba? ikaw at ang isip mong payak

para ngang ayoko ng pumunta ng mall of asia
kasi ayoko ng balikan yung mga naiwan kong luha
nakakainis ding hungkatin pa, ang mga ganong alaala
mas mabuti pa ngang nakapikit na lang ang aking mga mata

at naalala ko din nung minsang nag toms world tayo
akala ko magiging happy na sa wakas ang mood ko
kaso bigla mo na namang naisip umeksena
kaya sa ika doseng pagkakataon, luha ko na naman ang bida


masarap ba kapag may nakikita kang umiiyak?



pa experience naman oh...















BUKAS MAKALAWA PRAMIS IKAW NAMAN ANG IIYAK

sa hudyat ng puting tela

sasabay lang daw tayo sa direksyong ginusto ng hangin


dati naman masaya tayomarunong tayong maging kontento
hindi ka nagagalit kapag kulang ang oras ko
at hindi ko naririnig ang salitang tampo
simple lang kasi lahat ng bagay masaya, kapag naglalakad tayo ng sabay
malungkot naman sa tuwing maghihiwalay
at sa simpleng text lang, para ka na ring kumakaway

oo kung hindi mo man napapansinmasaya tayo dati,
nakaraang dalawang taon pero parang lahat ng magaganda pilit mong ikinahon
kasabay ng di pagpansin sa bakas ng kahapon
sa di ko malamang dahilan, nakakapagod din pala
pag sinusubukan kong kumalma, tadtad naman ako ng bala
magpapaliwanag ako, hindi ka naman makikinig
at tanging galit na naman ang sa hangi'y mananaig

sabi nila, ang araw daw lumulubog pero sisikat muli
pero bakit wala na akong makitang araw kahit man lang sandali?
kapag didilat ako, puro makulimlim na ulap ang nakikita ko
at sa tuwng pipikit naman ako, malalaking ulan ang isusukli mo
nakakapagod din pala kapag binibilisan mo ang natural mong lakad
nakakahingal ding sumabay sayo
nakakainis pala kapag hindi ka pwedeng maging "ikaw" sa sarili mo

kapag ba tumahimik na lang ako, maiisip mo din kayang magbago?


hindi naman di ba?kasi ang dahilan mo, ganyan ka na at hindi ka magbabago para sa ibang tao


hindi pala patas...kasi ako sinubukan ko


nakakapagod din pala, at nakakabadtrip ka na.


sa hudyat ng puting tela




SUKO NA AKO


huling musikang ibinato ng hangin:


Even the best fall down sometimes
Even the stars refuse to shine
Out of the back you fall in time
I somehow findYou and I collide

Thursday, October 29, 2009

ako at ang kantang sober ulit

naalala ko hindi ko na nga pala napapalitan ang friendster lay out ko
isang taon na atang tumatambay dun yung nakatumbang pulang kabayo
hindi ko rin alam kung mabubuksan ko pa ba ang account ko dito
nalulungkot kasi ako kapag nakikita ko yung isang daang mensahe mo

naalala ko yung linya mo sa akin nuong nakaraang taon
hangang ngayon gumuguhit pa rin ang mga letra sa aking isipan
at ang musikang iniwan mo'y naging isang malawak na palaisipan
tinatanaw pa rin kita sa malayo, ikaw at ang iyong palatandaan

naalala ko rin kung paano mo inalog ang aking mundo
dati ayoko nang gumagalaw, gusto ko lang maging kuntento
ayoko din ng hinahampas ng hangin, napipigil ang aking pagtakbo
kaya naiinis ako kasi nung dumaan ka, bigla akong napahinto


at naalala ko ulit ang kantang SOBER




pati na ang huling linyang binasag mo



"hindi ako mawawala, kailangan ko lang tumawid"




dalawang araw na lang





dadalaw na naman ako













sa puntod mo

liriko:


And I don't know
This could break my heart or save me
Nothing's real
Until you let go completely
So here I go with all my thoughts
I've been saving
So here I go with all my fears weighing on me

Three months and I'm still sober
Picked all my weeds but kept the flowers
But I know it's never really over
And I don't knowI could crash and burn but maybe
At the end of this road I might catch a glimpse of me


Three months and I'm still breathing
Been a long road since those hands I left my tears in
but I knowIt's never really over, no

Tuesday, October 27, 2009

isang linggong dedmahan

Lunes

masama ang pakiramdam ko
pinilit ko ang sarili ko para makita ka
nakatayo ka, walang guhit ng pag aalala sa mukha
wala rin naman akong makitang kulay ng tuwa

Martes

ilang beses kitang tinawagan sa telepono
ilang beses din kitang inabot sa text
lumubog na ang araw at sumilip na ang bituin
hindi ka lumitaw, hindi mo rin ako nakuhang silipin

Miyerkules

sinubukan kong magpalipad ng biro
baka sakaling lumambot ang iyong puso
ngunit laging nakatikom ang iyong bibig
at ang mata mo'y diretso ang tingin sa sahig

Huwebes

paulit ulit lang ang mga nangyayari
itetext kita, di ka sasagot
magkikita tayo, pero hindi ka naman iimik
at mangingibabaw ulit ang salitang "tahimik"

Biyernes

tinanong naman kita kung anong nasa isip mo
tinanong kita, pero ang bibig mo'y selyado
wala ka kahit isang salitang sinabi
sa halip mas pinili mong maupo sa tabi

Sabado

magkatabi nga tayo sa pwesto
pero para sa akin, ang layo mo
paghinga mo lang ang nararamdaman ko
at kwentuhan ng kabilang mesa ang tanging musika ko

Linggo
ubos na ang tao sa 7-eleven
naglakad tayo papunta ng mcdo
limas na ang tao sa malawak na espasyo
mistulang libingan na ang mall na ito.

at tahimik ka pa rin.

walang hangin

musika lang ang huli kong narinig...




Liriko:

There's a lot of things I understand And there's a lot of things thatI don't want to know But you're the only face I recognize It's so damn sweet of you to look me in the eyes It's alright, I'm O.K. I think God can explain I believe I'm the same I get caried away It's alright, I'm O.K. I think God can explain I'm relieved I'm relaxed I'll get over it yet The sent of vasoline in the summertime The feel of an icecube Melting overtime The world seems bigger Than both of us Yet it seems so small when I begin to cry It's alright I'm O.K.I think God can explainI believe I'm the same I get carried away It's alright I'm O.K.I think God can explainI'm relieved I'm relaxedI'll get over it yet. I'm so much better than you guessedI'm so much bigger than you guessedI'm so much brighter than you guessed I'ts alright I'm O.K. I think God can explainI believe I'm the sameI get carried away It's alright I'm O.K.I think God can explainI'm relieved I'm relaxedI'll get off of your back I think God can explainI think God can explainI think God can explain

saan ba ako nagkulang?

Saan ba ako nagkulang?
Ginawa ko naman lahat ng gusto mo
Mga bagay na sa tingin ko magpapaligaya sayo
Mga bagay na ni minsan hindi ko naman ibinato
Ni wala akong binilang sa lahat ng nagawa ko

Saan ba ako nagkulang?
Hinayaan naman kitang iguhit ang aking kapalaran
Hindi kita sinaway, sa lahat ng iyong kagustuhan
Wala kang boses na narinig, lalo na ng pag aalinlangan
At ni hindi mo ako nakitang humakbang, kahit na nasasaktan

Saan nga ba ako nagkulang?
Hindi ko ba naiparamdam ang kahalagahan mo
Wala bang mga tunog na lumabas sa bibig ko
Kulang pa ba ang pagsalo ko sa hagupit ng araw
Sa tuwing naiisip mong mag isa ka lamang?

Sabihin mo

Saan ba ako ngkulang?
Bakit ni minsan hindi mo makuhang makinig sa akin?
Bingi nga ba lahat ng bituino sadyang malayo ka lang?
Ang hirap mong abutin...
Lumapit ka naman



isang dipa lang.


















ikaw ang pinakamahalagang tao sa buhay ko, bat di mo ko marinig.ang layo mo.

Tuesday, October 20, 2009

G L O B O

Nilingon kita

Wala kang sinabi kahit isang salita

Yumuko ka lang ng bahagya

At pilit tinakpan ang yong mukha…




Dati akala ko sumsabay lang tayo sa ikot ng globo
Parang may palapag lang, parteng matas at mababa
Nung nasa taas ako habang nasa baba ka
Ayokong tingnan ang ibabang parte ng mundo
Nakakalula pala, lalo na pag malayo ka sa paningin ko

Iniisip ko noon na may mga bagay talagang kailangang bitawan
Kapag nasasaktan ka na, bitawan mo lang, sabay alis
At kapag talagang hindi na kaya, tatakbo ka lang ng napakabilis
Pero nung minsang hindi ko naman sinadyang bitawan ka
Nagbagong bigla ang pananaw ko…


BADTRIP PALA PAG MAY BINIBITAWAN





Nilingon naman talaga kita

Talagang ayaw mo lang tumingin

Nakapako na kasi ang mga mata mo sa iba







Hindi na sabay ang pag ikot ng ating globo

Wednesday, October 14, 2009

sana huli na to

Hindi ko alam kung huli na to

Kahit kasi sampung beses akong humiling sa taas
At araw araw kong bilangin ang mga bituing nakasabit dito
Purihin ko man ang liwanag na dala nito
Imposible paring bumagsak na parang bato
Yang mga makikislap na butil na nakikita ko

Kapag ba tumulo na lahat ng luhang para sayo
Maauubus na kaya ang likido sa mata ko?
Matutunan ko na kayang bitawan lahat ng masaya,
Upang hindi na kita kailan man maalala?
Sabihin mo, makakahakbang na kaya ako?

Minsan sinubukan ko naman
Hindi kita inisip sa isang araw
Namasyal ako sa halip na dalawin ka
Hindi ko pinakinggan yung paborito mong kanta
At kahit nababalot ng lungkot, pinilit kong maging masaya
Hindi ko talaga alam kung huli na to

Pakiramdam ko parte ka parin ng buhay ko
Para ka paring hangin, yayakap kapag nilalamig ako
Bubulong sa panahon ng aking kahinaan
Hahalik sa pisngi kapag may dinaramdam
Hindi ka nawala sa mundo ko, wala paring pagbabago.

Ang tagal ko ng pinagmamasdan ang mga bituing yan

Hanggang ngayon, sumasayaw pa rin sa hangin

Ang lahat ng aking mga kahilingan

Isa na lang…

Kindatan mo sya pag nakita mo sya sa taas






Pakisabi namimiss ko pa rin sya.

BOBO

Isang libong tanong na ang napakawalan ko sa hangin.
Nakakatawang isiping sa isang araw, milyon milyong tao ang nagkakandarapa sa paghanap ng kasagutan sa dose-dosena nilang tanong. At kalahati lamang ang uuwing may bitbit na sagot. Oo, kalahati lang. Hindi naman kasi lahat ng tanong na dumarating ay may naghihintay na sagot. Kadalasan may mga tanong na hindi pweedng sagutin ng kahit sino man. Kagaya na lang ng tanong na “kailan ako mamatay?”. Kung sasabihin mong masasagot mo ang tanong na ito, kasama ang eksaktong petsa at lugar, ibibili kita ng puwesto sa baclaran. Kailangan ka ng mga taong umaasang mahuhulaan mo ang kanilang kapalaran.
Naiinis ako.
Nakakayamot kasing isiping ang mga simpleng tanong ko ay masusuklian ng napakahaba at komplikadong sagot. Nakakalito. Sa huli maiiwan pa rin akong tulala habang nagbibilang ng mga langaw na dumadapo sa karenderya ni Aling Pepay. Lalo lang akong maaasar habang iniisip ko na ang bobo bobo mo. Kasi napakasimpleng tanong, pero papaulanan mo ako ng libo libong paliwanag at ang masaklap kalahati nun ay galing sa bibliya. Paano ko hahanapin ang sagot ngayon?
Minsan ba naisip mong wag na lang magtanong?
Kasi wala din namang mangyayari. Hindi rin naman masasagot ng derekta ang payak mong tanong. Nakakalito kasi ang mga sagot. Lalo na kung ang tanong mo ay ganito:
MAHAL MO BA AKO?
Ang BOBO mo.

Wednesday, October 7, 2009

gusto kong saktan si chito

"Lagi naman kitang nakakasama, ewan ko kung bakit ba wala pa ring nagagawa. Kahit na napakadali mong kausapin ewan ko ba kung bakit ang hirap pa ring aminin. Madalas naman tayong naglolokohan dinadaan ko lang sa biro ang tunay na nararamdaman, kaya siguro hindi mo sineryoso ang aking mga sinabi yan tuloy walang nangyari."

Sabi nila maghintay lang daw ako ng tamang oras, araw at panahon tapos darating siya. Hintay nga ako ng hintay, pero kahit ilang taon pa siguro akong maghintay hindi na darating ang taong dati ng nandiyan sa katabi ko. Magulo nga siguro akong kausap. Pero totoo naman kasi, paano ko naman talaga hihintayin ang taong abot-kamay ko lang? Ewan ko…pero sa tuwing nakikita ko siya, nakakalimot ako. Nakakalimutan kong sabihin ang mga bagay na gusto ko sanang sabihin sa kanya. Mga bagay na sana’y makapagpapaluwag ng aking damdamin. Kapag katabi ko siya wala akong ibang ginawa kundi tumawa…tumawa ng malakas upang mabawasan ang tensyon na nararamdaman ko. Kung minsan nga naiisip ko para akong tanga. Tawa ako ng tawa pero sa totoo naiiyak ako. Sino nga naman ang di maiiyak? Katabi ko nga ang taong mahal ko pero ni hindi ko naman masabi sa kanya ang aking nararamdaman. Madalas nga kaming nagkukuwentuhan. Lahat na nga siguro ng bagay bagay napagkuwentuhan na namin, pati buhay ng iba kasama na doon, pero ni minsan hindi ko naikuwentong isang umaga, nagising akong dala ang katotohanang may pagtingin pala ako sa kanya. Kung kelan nag-umpisa at kung paano…’yon ang hindi ko alam. Basta naramdaman ko na lamang ang kakaibang pakiramdam sa tuwing kasama ko siya.
Para akong lumulutang sa hangin sa tuwing nakikita siya. Para bang sa isang iglap nakita ko ang mga bituin sa gitna ng araw. Lahat posible…parang lahat kaya kong gawin. Parang sa loob ng sampung minuto nabuhat ko ang barbel pero superman ang sinigaw ko. Nakakalitong, nakakatawa. Dati, gusto kong wasakin ang orasan kasi parang ang bagal ng takbo nito, na para bang mas mabilis pa ang lakad ng pagong. Pero ngayon, hindi ko na iniinda ang oras lalo pagkasama ko siya. Ni hindi rin nga ako nakakaramdam ng ano mang pagod o gutom. Minsan mahihiya na lamang ako sa kanya…kasi tanghali na pala ni hindi ko man lang siya niyayayang kumain. Siya pa ang unang nagtatanong! Madalas pag kausap ko siya, naghihintay ako ng tamang pagkakataon upang titigan siyang mabuti. Oo, palihim ko siyang tinititigan. Madalas nga niya akong nahuhuling nakangiti…tapos unti-unti kong babawiin ang aking mga ngiti kasi sa tingin ko hindi malayong isipin nyang nasisiraan ako. Pero okey lang… kahit mabaliw pa nga ako basta para sa kanya. Noon, wala akong ibang ginawa kundi asarin siya. Tapos gagantihan din niya ko. Ganyan kami pag magkasama. Sa text…puro biruan ang laman ng mensahe namin sa isa’t-isa. Siguro nga doon lahat nag-umpisa…sa simpleng text. Tapos bigla na lang, napansin kong masaya ako kapag katext ko siya, kahit pulos mga walang kabuluhang bagay ang pinag- uusapan namin at pinagtatalunan. Ganyan nga siguro ang nangyari. Masyado akong nasiyahan sa kanya, hanggang sa nauwi sa labis-labis napagmamahal…kung pagmamahal nga itong matatawag. Naguguluhan din kasi ako, hindi ako sigurado sanararamdaman ko. Ang alam ko lang masaya ako pagkasama ko siya. Tapos pag hindi ko siya nakikita, nawawalang saysay ang araw ko. Ayoko rin naman ng nararamdaman ko kasi minsan nasasaktan ako. Nasasaktan ako kapag naiisip kong baka ako lang ang nagmamahal. Baka isang araw magising na lamang akong wala na siya sa tabi ko. Kapag naiisip ko ang ganitong mga bagay, parang ayaw ko ng magmahal. Parang ayaw ko na siyang mahalin. Minsan sinubukan kung iwasan siya. Ilang araw din akong nagtago sa kanya. Naglagi ako sa mga lugar na hindi niya alam o dinadaanan. Kapag nasa "school, iniiwasan kong tumambay sa mga lugar na alam niyang nando’n ako. Hindi ako nagpakita ng ilang araw. Kapag nakakasalubong ko naman siya, kunwari "busy ako, kundi naman, kunwari hindi ko siya nakita at madalas tatango lang ako tapos diretso na sa paglakad. Pero hindi ko maiwasang mapalingon sa kanya. Hanggang sa ako na rin ang sumuko. Naiisip ko di bale ng masaktan basta kasama ko siya. Ano naman ngayon kung hindi niya ako mahal, basta masaya ako sa ginagawa ko. yon naman talaga ang mahalaga…nagmamahal ako ng labis, walang kulang. Sayang nga lang hindi niya nasusuklian…pero ayos lang din yon, basta napapangiti ko siya. Naiisip ko rin namang sabihin sa kanya ang lahat-lahat, pero kapag uumpisahan ko na, bigla awawala ako. Tapos bibitinin ko na lang siya. lang beses ko ring sinubukan pero walang nangyayari…kasi natatakot ako, baka kasi magalit siya, baka iwasan niya ako…baka mawala siya saakin. Parang hindi ko yon kaya. Di bale na lang! Dumaan din ang mga araw tapos bigla na lang,naramdaman ko ang napakatinding sakit. Akala ko hindi mangyayari sa akin yong katapusan ngkanta, pero nangyari…ayan…andyan na.

"kakalipas lamang ng isang sem ng makita kita na mayroong ibang kasama. Magkahawak ang inyong mga kamay ang dibdib ko ay sumikip ang paglunok o ay naipit. Saying bakit hindi kita niligawan ngayon akoy nanghihinayang. Kasi naman tatanga tanga pa ako noon”.

Heto ako ngayon, bigo habang nasa harap ng aming komyuter, habang ginagawa ito. Naisip ko, anokaya kung sinabi ko sa kanya? May pag-asa kayang mahalin din nya ko? Ewan ko, hindi ko masasabi…kasi di rin naman ako nagkaroon ng lakas ng loob para sabihin sa kanya. Kasi takot akong mawala siya…pero nawala na nga! Siguro mahina nga talaga ang loob ko, ni hindi ko nga masabi sa kuwentong ito ang pangalan ng taong tinutukoy ko. Kasi nga takot ako… Ikaw, matanong kita…tinamaan ka ba sa mga nabasa mo?

Kung oo, marahil para sa’yo tong kantang to…

Tuesday, October 6, 2009

i have never failed to say i love you

I have never failed to say I love you,
In the midst of this anarchy, I tried to console you
When the sun renounced to give shadow, I sheltered you
I’ve been your armor when you were surrounded by enemies
I’ve been your devoted soldier in your vindictive world

I have never failed to say I love you,
I have never got tired of singing that same heartrending song
I will always be keeping those melodies
My frail voice will always embrace you
And I will always be there to save you from harm

I have never failed to say I love you,
When the rain wasn’t kind enough to spare you from being wet
I will always be there to give you sunlightAnd if in case I failed,
I will be standing close to you
Close enough to let you feel that you will never be single-handedly

I have never failed to say I love you,
That night when you refused to accept my heart
That night when you chose to be alone
That lonely night when you restate that
I could never be part of your worldI have never failed to articulate these 3 words…

I have never failed to say I love you

Rejection enfolds the evening…

Monday, October 5, 2009

salitang malabo

ang gulo ng mundo...

may mga bagay na kahit anung pilit mong pagdikit dikitin lalo lang nasisira. mga letratong hanggang sulyap mo na lang pero hindi mo na muli pang maibabalik..tapos mga alaala ng kahapon na hindi mo na pwede pang balikan.

"seize the moment"


paulit ulit mo mang ibigay ang sarili mo para maging masaya ka, may mga tao pa rin na pagdadamot to sayo. kasi para sa kanila kalungkutan nila ang kapalit ng kaligayahan mo. at hindi mo din naman pwedeng sabihing kadamutan ang tawag sa pagtangging yun, kasi kalayaan nya ang hinihingi mo.kalayaang magmahal ng iba, kalayaang maging masaya na wala ka...paano ko yayakapin ang araw, kung mismong ang hangin, ang ulap, ang buwan saka bituin tumututol sayo?


"live your life as if its your last"

pero pano kung lahat ng ginagawa mo para maging masaya ka, yun naman yung oras na para sa kanya simbulo ng kamatayan nya?paano kung huling araw mo na, gustong gusto mong sabihing kahit isang minuto lang mahalin ka ulit nya, pero ramdam na ramdam mo na tatanggi sya, pipilitin mo parin bang mahalin ka nya?wala sa ayos, pero paano nga ba?


"ilove you"

magulo nga talaga ang mundo, paano mo nga naman mamahalin ang taong pumuno ng sakit sa dibdib mo? pero kahit pa anong sakit ang naibigay nya sayo, wala ka pa ring magawa, hindi pa rin mabago ng sakit ang salitang mahal mo sya...kasi yun naman talaga ang totoo...


"ang labo ko"....

Sunday, October 4, 2009

nung naligaw ako

Nung naligaw ako sa the fort
Okay lang sakin, kahit 1st day ko sa tarabaho’y agad na nagmagaling
Pwede ko namang sabihing saktong alast otso ako dumating
Malamang wala namang makakapansin kundi guard sa building

Nung naligaw ako sa Glorietta
Wala lang yun kung tutuusin
Masarap namang mamasyal at tumingin tingin
Sa mga damit na di ko naman kayang bilhin

Nung naligaw ako dyan sa may divisoria
Para ngang mas nakakaaliw
Nalaman ko na malapit lang ang 168 sa tutuban
At saka madami nga pala talagang snatcher sa daan

Nung naligaw ako sa Ayala
Dahil si Trillanes naman ang umeeksena
Kalmado pa din ako kahit nagkakaputukan na
Inisip ko na lang hindi naman ako patatamaan ng bala

Pero nung naligaw ako dyan sa puso mo
Nagpanic ako, parang gusto ko agad tumakbo
Ayoko kasing tanggapin yung mga nalaman ko
Kasi meron na palang ibang pangalan sa dating puwesto ko.







Napraning ako…

Muling Pagkakakulong sa Selda Uno

Ilang gabi na ang lumipas

Anim na buwan din ang aking binilang habang mata ko’y pilit na ipinipikit
Habang ang mga kamay mo’y pilit na inaaabot, kinakalas ang taling nakakabit
Ilang malulungkot na umaga din ang aking nasilayan
Simula ng ibulong ng hangin ang balitang nababalot ng kapighatian
Tatlumpot pitong sakit ang bumaon sa dibdib ko, ni isa wala akong nilabanan

Sa lugar na kinauupan ko, kung saan naghahari ang dilim
Dudungaw ng bahagya ang liwanag na dulot ng pinaka makislap na tala
Makikiusap ulit ako na sana’y alisin nya ang rehas sa pagitan natin
Hihilingin kong sana’y tunawin nya ang bakal na pumipigil sa atin
At ibubulong ko na ang mga kamay mo’t paa’y muli nyang palayain

Ngunit nawalan ako ng kakampi, naging madadamot ang pagkakataon
Tinangay ka ng hangin sa lugar na hindi maabot ng aking paningin
Itinago ka ng tala sa liwanag, habang iniwan ako sa lilim ng dilim
Muli akong napaupo sa batuhan, alaala mo’y pilit na kinalimutan
At doo’y hinayaan kong maglayag ang aking puso, sa dagat na mapanukso

Kasunod ay ang pagkakatali ng kamay ko sa sinumang sumaklolo
Nagpaalipin ako sa paniniwalang hindi na kita muli pang masisislayan
Na ang mundo mo’t mundo ko’y hindi na muli pang magkakatagpo
Paniniwalang hindi ka na maihahatid pabalik sa daigdig ko
At ang dati mong anino’y magkukubli na at tuluyang maglalaho

Ngunit sa muling pag ihip ng hangin, mukha mo ang nakita ko
Naramdaman ko ang mainit na kamay mo na dumampi sa aking balikat
Pag aagam agam ang gumuhit sa langit, hindi kita malingon kahit anong pilit
Wala na ang mga tali sa kamay mo, iniwan mo na ang rehas na nagkulong sayo
Wala na din ang bakal sa mga paa , lubos ka na ngang malaya

Sa daigdig nating hindi perpekto, pagsisi ang katumbas ng lahat ng sakripisyo
Ng araw na tinanggal mo ang mga taling pumipigil sa kamay mo
At tinunaw ang rehas at ang bakal na nagpapabigat sa paa mo
Ay sya ring araw na itinali ko sa iba ang dalawang kamay ko
At ang puso ko’y ikinulong muli dito sa madilim na selda uno
Malaya ka naNgunit ang puso ko’y hawak na ng iba

Hahanapin kitaSa muli kong paglaya dito sa selda uno







REHAS.

Paglaya sa SELDA UNO

Malaya na ako…

Titingnan pa rin kita sa malayo,
Pinagmamasdan ko pa rin ang bawat galaw mo
Dito sa upuan malapit sa may puno,
Kung saan labing limang hakbang lang ang ‘yong layo
Tulad ng dati tahimik lang akong magmamasid
Titingin sa langit at sa lawak ng himpapawid
Mag-iisip, magtatanong tapos titingin sa bituin
Hihilinging sana sa pangalawang pagkakataon ikay maging akin
Na sana sa sunod na pagsilip ng araw,
Kasama na kitang mag-aabang ng muling paglubog nito.

Ang dami kong naipong kahilingan,
Ngunit sadyang bingi lang ang mga bituin
Wala silang narinig sa bilyon bilyong kung sigaw.
Bingi na nga sila…bulag pa.Katahimikan…
Parang kahapon lang,
Kasama kitang kumakanta sa lilim ng punong ito
Dalawa tayong tumitingin sa mga bituin
Tapos sa muling pag ngiti ng araw,
Madamot na rehas na ang sa ati’y namagitan
Pilit kitang inaabot, ngunit ang mga kamay ko’y nakagapus
At sa selda, ilang taon kitang itinago
Ilang taon akong naghintay kung kelan ang aking paglaya
Ilang malulungkot na gabi ng aking binilang
Araw-araw tinitngnan kita sa malayo,
Kinakamusta ka sa hangin, binibilin sa buwan
Sinasayaw sa ilalim ng nagkikislapang bituin
Hinahawakan sa bawat pagpatak ng ulan
Minamahal kita ng di mo namamalayan.

Nakalaya na ako.Oo, kahapon nakalaya na ako
Iniwan ko na ang seldang nagkulong sa akin sa mahabang panahon
Wala na ang mga bakal sa aking kamayMalaya na ang mga paa ko
,Agad kitang hinanap, ngunit gaya nga ng dati
Tinitingnan pa rin kita sa malayo,
Pinagmamasdan kita hanggang kaya ko,
Labing limang hakbang na lang,
Pwede na kitang mahawakan,
Malaya na ako,
Ngunit parang ang mga paa ko’y nasanay na nakapako
Hindi ako makahakbang papalapit sayo…
Labing limang hakbang na lang…

Malaya na nga ako sa SELDA UNO, ngunit huli na…

Ang kamay mo’y nakatali na sa iba.







Luha.

SELDA UNO

Gabi na naman…

Magbibilang na naman ako ng mga mumunting bituin,
Uupo sa gilid ng kalsadang dinaanan na ng panahon,
Pagmamasdan ang mukha mo sa kawalan,
Mukha mong naiguhit ko sa aking isipan,
Eto na naman ako nakahiga,
Nakatingin sa malayo,
Nagbibilang ng mga bituing nagtatago sa madilim na ulap,
Nag-aabang ng tamang sandali.

Gabi na naman…

Maghihintay na naman ako ng napakahabang oras,
Magbibilang ng mga nakalipas na pagkakataon,
Pakikinggan ko na naman ang mga marahang katok sa aking dibdib,
Papangaraping marining ang yong tinig,
Habang hinahayaan ang hanging humalik sa aking katawan,
Habang binibilang ang mga tulo ng ulang dulot ng paghihirap,
At sa kalsada’y muling uupo’t maghihintay,
Sa muling pagsikat ng araw.

Gabi na naman…

Mag-iisip na naman ako’t maghihintay,
Hihiga sa ilalim ng mahiwagang kalawakan,
Pipigilan ang pagtulo ng ulan,
Magbibilang kung hanggang kailan,
Magtatanong sa kawalan,
Magbibitiw ng mga salita sa hangin,
At mangangarap na sana, hindi nakatali ang puso ko,
Na sana hindi xa ang kasama ko…

Hihintayin ko na lang ang aking paglaya dito sa SELDA UNO…

hagupit ng bagyo

Kasalanan ko kung bakit ka umiiyak ng gabing yun
Ilang beses akong nagtangkang patawanin ka
Pero sa tuwing titingin ako sayo’y, ipipikit mo ang iyong mata
Kinakausap kita pero hirap na hirap kang lumingon
Hindi nga kita mahawakan, paano pa kaya kita maiaahon?

Ilang araw kong hinintay ang pagdating ng sabado
Para kasing sasabog na ang nararamdaman ko
Nung nakita kitang malungkot at nahihirapan
Hiniling kong sana lahat ng sakit sa akin na lang ipapasan

Ang dami ko rin pa lang pangarap na binitawan
Simula ng piliin nating magsama sa iisang daan
Limot ko na ngang minsan ginusto kong maging abugado
Kasi mas pinili kong maging pribadong tagapagtanggol mo
Nakalimutan ko na rin na marunong pala akong magsulat

Masyado kasi akong natuwang magpakalat kalat
Paborito pa nga nating tumabay sa may GT Tower sa ayala
Maghihintay ng sampung oras, hanggang sa sumapit ang umaga

Wala akong marinig na kung ano mang ingay na galing sayo
Tamang sumisigaw lang ang hangin sa tenga ko
Nakakapanibago kang tingnan, ang tahitahimik mo
Mas malakas pa nga ang hagupit ng ulan na gawa ng bagyo

Oo kasalanan ko kung bakit ka umiiyak nung gabing yun

Pero wala akong magawa para patigilin ka
Hindi ko kayang punasan ang mga luha mo sa mata
Lunod din ako, lito, hirap sa pag intindi sa nadarama
Pinipigil kong alisin lahat ng aking mga pangamba

Oo kasalan ko kung bakit ka umiiyak ng gabing yun
Gusto ko sanang lumingon

Pero naalala ko ang sinabi mo“I’m sorry, hindi na pwedeng maging tayo”


Sana yakapin ka ng hangin…

ikaw at ang kantang sober

Napangiti ako habang pinakikinggan ko yung soundtrack ng smallville
Naalala ko na naman yung kantang sober, napatawa ako ng pigil
Limang buwan din kasing yun ang shout out ko sa Friendster
Pero setyembre bente nuebe na ngayon, hirap pa din ako sa pagrecover

Simula noon umani ako ng magkabilaang komento
Halos pantay lang, lamang ng dalawang daan ang negatibo sa positibo
Meron pa ngang nainis, pati sa cellphone ko hindi ako tinantanan sa kulit
Kaya nung kalagitnaan ng abril, yung simcard ko nagpapalit palit

Dati nakakatuwang magisip ng mga bagay na nagpapangiti sa akin
Tulad ng pagtambay natin sa tulay malapit sa mega mall
Nakakatuwa kang pakinggan lalo na kapag sampung beses kang nabubulol
Habang nagkukuwento ka ng mga panaginip mong paputol-putol

Kapag humahalik sa akin ang hangin naiisip ko andyan ka
Tapos kapag pipikit naman ako parang nakikita pa din kita
Sa tuwing bubuhos ang ulan, lungkot ang nararamdaman ko
Kasi kasunod nun ay ang pagtulo ng luha ko sa kinahihimlayan mo

Sana naririnig mo akoIsang ihip na lang ng hangin…


Miss na kita.

kulong

Gusto kong MAKULONG
Dyan sa mga bisig mo
Para kapayapaan lang ang tanging maramdaman ko
Upang kahit umihip man ng malakas ang hangin
Kakapit lang ako sayo ng madiin

Gusto kong MAKULONG
Saiyong mga paninginAt sanay makita mo ako kahit sa dilim
Na para bang ako lamang ang iyong tanging nasisilayan
Akot Ako lamang ang iyong lagging susulyapan

Gusto kong MAKULONG
Sa lahat ng iyong panaginip
Dadalawin kita sa iyong pag idlip
Upang kahit mata mo’y nakapikit
Sa utak mo mukha ko pa rin ang nakakapit

Gusto kong MAKULONG
Dyan sa puso mo
Upang kahit papano masubaybayan ko ang pagpintig nito
At sa tuwing mababalot ako ng kalungkutan
Maramdaman ko na minsan nagkaroon ako ng lugar dito

Gusto kong MAKULONG
Sa mga alaala mo
At sanay huwag mo na akong muli pang palayain
Tulad ng ginawa mo ng iyong aminin
Na sa akin ay wala ka ng pagtingin

GUSTO KONG MAKULING MULI…

SAIYO.

kung papipiliin kita

Kung papipilin kita ngayon sa dalawang matingkad na kulay, berde o asul?
Alam ko berde ang pipiliin mo, kasi alam kong ito ang iyong paborito
Sa pananamit maging sa sapatos, berde ang isinusuot mo
Kahit nga font color sa YM o sa email, ito pa rin ang gamit mo
Maging sa pagpili ng bag, mas maganda pag may kulay berde sa desenyo

Kung papipiliin kita ngayon, sa dalawang pagkain na to, tsokolate o bayabas?
Alam na alam ko, bayabas ang pipiliin mo, kasi kinakain mo to maging sa loob ng sinehan
Sinasawsaw sa asin na parang mangga lang, ganyan ka kapag natatakam
Mismong balat nga ng bayabas, pilit mo pa ring kinakagat

Kung papipiliin kita, sa dalawang klase ng relo, timex o swatch?
Hindi ako pwedeng magkamali sa isasagot ko,
Kasi elementary ka pa lang ata, ito na ang pangarap mo
Ang makapagsuot ng timex sa parehong kamay mo
Pero kung papipiliin kita, kung sya o ako?
Hindi ko na hihintayin pa ang itutugon mo,
Alam kong sya at hindi AKO

Hikbi.

Isang Huling Luha

Isang huling luha na lang
Baka sakali pagpumatak to sa kamay mo
Maisip mo kung gaano kasakit bumitaw sayo
Baka sakali pag tinamaan ng luha ang kamay mo
Maramdaman mo kahit segundo lang, lungkot na nararamdam ko
Isang patak lang sa kamay mo,
baka sakaling may mabago…

Isang huling luha na lang
Malay natin pag pumatak to sa kinauupuan mo
Maintindihan mo kung gaano kita gustong makatabi
Kung gaano ko gustong alisin ang rehas na ginawa mo
Kung gaano ko gustong ibalik ang sinag ng araw dyan sa puso mo
Isang patak lang sa kinauupuan mo, baka sakaling may mabago…

Isang huling luha na lang
Nagbabakasakaling pag pumatak to sa pisngi mo
Maramdaman mo ulit ang dating ako
Maisip mo ulit kung gaano tayo kasaya bago ka dinala ng bagyo
Maalala mo lahat nang nangyari kahapon, lahat ng nawala ngayon
Isang patak lang sa pisngi mo, baka sakaling may mabago

Isang huling luha na lang
At sana kayanin nitong pumatak dyan sa puso mo
Baka sakaling mahawakan ng luha ko lahat ng alinlangan mo
Baka sakaling kahit sa isang patak lang, mag iba ang mundo ko,
Maranasan ko ulit kung paano maging masaya sa piling mo
Isang patak lang sa puso mo, baka sakali…

Isang huling luha na lang…

Baka sakaling matutunan ko…

Ang sumayaw ulit sa hangin

Ang kunindat sa umagaAng humalik sa ulan

Isang huling luha na lang...