Monday, July 9, 2012

second chance

Yakap yakap ko sya ng gabing yun. Mahigpit na mahigpit, parang ayaw ko syang bitawan. Paulit ulit kong sinasabi ang mga salitang “I love you”. Walang kapaguran – paulit ulit. First date namin ulit. Balik sa umpisa simula ng magkaroon kami ng tampuhan na nauwi sa hiwalayan. Halos isang taon din kaming hindi nagkita. Halos isang taon ding wala akong alam sa mga nangyayari sa kanya. Kahit sampung beses kong binibisita ang facebook page nya, wala naman akong makuhang kahit anong impormasyon. Di ko alam kong single pa din ba sya o nagpakasal na sa sobrang inis sakin. Profile picture nya lang ang tanging visible sa mga mata ko. Araw araw kong sinisisi ang mga block, remove, unfriend na function sa facebook. Araw araw akong napapamura sa tuwing bibisitahin ko ang profile nya. Ang sarap sarap lukutin ng mukha ni Jericho Rosales. Parang gusto kong itapon ang laptop ko. Pati profile picture na lang, napagdamot pa sakin. Binabato ko lagi ang sisi kay Jericho, tapos pag pagod na kong makipag away sa monitor, nanay ko naman ang inaaway ko. Bakit kasi hindi ako nagkaroon ng dimples nung niluwal nya ko. Di sana, di kami nagkakalayo ni Jericho. Close fight. Tipong isang balde lang ng tubig, hawig na ko sa pwet nya. Pero mabait pa din si Lord, binigyan nya ko ng chance para maging masaya ulit. Nagbunga din ang halos isang taong paghihintay ko. Nagkaroon kami ng pangalawang pagkakataon para makabawi sa isat-isa. Para ma-itama yung mga mali namin, para maging mas sensitive kaysa sa dati, para mas maging responsable. Pangalawang pagkakataon para magbigay at tumanggap ng pag ibig. First date namin ulit. Ang saya saya ko. Para akong lumulutang sa hangin. Para akong sexy model sa taas ng confidence level ko. Ngayon na naman lang ako nakaramdam ng sobrang excitement, tipong kahit Baclaran pa lang gusto ko ng bumaba. Ngayon na naman lang may bumisitang paro paro sa tyan ko. Ngayon na naman lang ako nakarinig ng musika sa paligid. First time ulit. Sinundo ko sya sa bahay nila. Grabe para akong fifteen years old. Kinikilig ako sa tuwing tinutukso kami ng mga kapatid nya. Kinakabahan sa tuwing dadaan ang tatay nya. Nagiging OA sa pag galang sa tuwing sasagot sa mga tanong ng nanay nya. Ganito pala ang feeling kapag gustong gusto mong ayusin ang isang bagay. Kahit alam mong hindi mo sya mabubuo sa isang araw lang, pipilitin mong pagdidikitin ang mga nasirang piraso nito. Sa kahit anong paraan, kahit pa laway ko na ang ipandikit ko. Hinawakan ko ang kamay nya habang naglalakad kami palabas ng bahay nila. Habang nasa taxi, hindi ko pa rin ito binibitawan. Sa tuwing magkukuwento sya, sinisiguro kong wala akong hindi maririnig. Tutok na tutok ako sa kanya. Sa tuwing magtatangka syang magpatawa, kahit hindi pa tapos ang banat nya, tatawa na ako. Sa tuwing babahing sya, sinisiguro kong maiiaabot ko kaagad ang panyo ko. Hindi ko inalis ang mga mata ko sa kanya. Sabi ko sa sarili ko, hinding hindi ko na hahayaang masira kami ulit dahil sa takot akong ipakita yung totoo kong nararamdaman. Di bale ng masabihan ng PDA, di bale ng mag mukhang OA sa ibang tao. Ang importante, yung nararamdaman nya. Kung pano sya magiging masaya sa tuwing hahawakan ko ang kamay nya kapag napapaligiran kami ng ibat ibang maskara sa paligid. Kung pano sya makakahanap ng comfort sa tuwing aalalayan ko sya. Kung pano nya makikita ulit ang pag-ibig sa tuwing titingnan ko sya. Yun ang mahalaga. Maipakita at maiparamdam ko sa kanya yung mga bagay na naipagkait ko nung unang pagkakataong pinagkatiwala nya sakin ang puso nya. Basta ang mahalaga, maalis ko yung sakit na naramdaman nya sakin dati. Simula ngayon, ang mahalaga – sya. Nanuod kami ng sine, kumain sa paborito nyang restaurant, naglakad lakad sa mall. Nagkuwentuhan. Nagtawanan. Nagpalitan ng sorry. Tumanggap ng patawad. Nagpatawad. Nag sabihan ng I love you. Sa isang araw, nahanap ko yung mga nawawalang parte ng pagkatao ko. Sa isang araw, nakabuo kami ng mga panibagong alaala. Sa isang araw, nalagyan ko ng band aid yung parte ng puso nya nasugatan ko nung mga panahong sarili ko lang ang iniisip ko.sa isang araw, nayakap ko ang mundo. Sabay naming nakita ang paglubog ng araw, ang paglitaw ng mga bituin, ang pagsilip ng buwan. Holding hands. Face to face pa. Ang saya saya ko. Ang daming matitinkad na kulay sa mukha ko. Sa tuwing ngingiti sya, tumatalon ang puso ko. Mahal na mahal ko sya. Yakap yakap ko sya ng gabing yun. Mahigpit na mahigpit. Sobrang higpit. Ayoko syang bitawan. Wala akong pakialam sa mga tao sa paligid. Wala akong pakialam sa mga dugong kumakapit sa kamay ko. Pilit kong tinatakpan ang tama ng baril sa likuran nya. Paulit ulit kong sinasabi ang salitang I love you. Tuloy tuloy ang pagpatak ng luha ko. Nakaramdam ako ng sobrang galit. Sobrang galit sa taong nakabaril sa kanya. Nasalo nya ang balang hindi naman dapat sa kanya. Dalawang balang umagaw ng mga binubuo kong pangarap. Dalawang balang sana, ako na lang ang sumalo. Hawak hawak ng mga pulis ang lalakeng pilit paring nagpupumiglas. Sabog na sabog. Anak daw ng congressman kaya madalas magpaulan ng bala sa daan. Hawak hawak ko pa rin sya. Duguan.