Saturday, October 13, 2012

dear first love



Dear First Love,


Naaalala mo ba nung kinder tayo? Hinihintay mo yung nanay mo sa labas ng playground. Konti na lang iiyak ka na. Hindi ka na nga mapakali sa pwesto mo. Para kang inagawan ng baon. Lukot na yung mukha mo. Yung mga kamay mo pabalik balik na sa bulsa ng skirt mo para kunin yung panyolito mo. Bakas na yung sobrang pag aalala sa mukha mo pati nga sa galaw mo eh. Ganyan ka kaya lagi. Tense ka kapag mag uuwian na. Pakiramdam mo kasi hindi ka susunduin ng nanay mo. Alam mo bang bata pa lang tayo kabisado ko na yung expression ng mukha mo. Alam ko kung kelan papatak yung luha mo. Kaya alam ko din kung kelan ako lalabas. Ako yung batang laging hinuhubaran ng short sa swing. Tapos hahabulin ko yung grupo ng mga batang nag alis ng salawal ko. Kapag nakikita mo kasi akong tumatakbong walang shorts, naririnig ko yung tawa mo. Tapos makakaramdam ako ng saya. Sulit yung di ko pagkain ng baon ko para isuhol sa mga batang maghuhubad sakin ng shorts. Masaya ako kapag nakikita kitang tumatawa o ngumingiti. Pakiramdam ko napigilan ko yung kalungkutang nararamdaman mo kapag mag isa ka lang at naghihintay…naghihintay kung anong oras susunduin. Hindi mo na siguro naaalala. Malamang.

Nasa star section ka nung elementary tayo tapos ako nasa gitna lang. Gitna. Alanganing matalino. Alanganing bobo. Magkasama tayo sa English Club. Oo, ako yung pilyong escort mo. Ako pa nga nag nominate sa sarili ko. Ako na rin ang nagclose ng nomination. Ako na rin ang nag second the motion. Ako na rin namigay ng chocolates habang nagcocount ng votes. Syempre gusto kong maging escort mo. Kahit nga di ako magaling sa English sumali pa rin ako sa club kasi lam kung dun ka sasali. Kaw kaya ang pinakamagaling sa klase nyo. Nosebleed nga sayo pati teachers. Kaya nga hindi ko nagawang makipagkuwentuhan sayo. Mahirap na baka mawalan ako ng dugo. Saka baka bigla akong maging ngongo ano. Mahirap na. Kung kahit konti naaalala mo ako, salamat.

Miss nung higschool tayo, ilang beses akong labas-pasok sa classroom nyo para manghiram ng scientific calculator. Ilang beses mo din akong pinagtulakan paalis. Pero paulit ulit ko pa ring ginagawa yun. Papahiram ko yung scientific calculator ko sa ibang section tapos hihintayin kong palabasin ako ni maam. Syempre sa section nyo ako manghihiram. Andun ka eh. Baka this time mapansin mo na ako. Hoy miss, nung JS saka S Prom, isa ako sa mga nakasayaw mo. Ako yung sabi mong amoy chiko. Sorry ha. Sa alak ko kasi hinanap yung lakas ng loob para maisayaw ka. Kinakabahan kasi akong hawakan yung kamay mo. Baka kasi hindi mo ibigay. Baka itaboy mo na naman ako kagaya ng pauliy uliy mong pagpapalayas sakin sa classroom nyo. Pasensya na sa amoy. Pero gusto ko pa lang malaman mo na sobrang saya ko nung mga gabing yun. May litrato pa nga ako natin habang sumasayaw. Hindi ka nakangiti pero okay na din. Maganda ka pa rin naman. Sakin nga pala galing yung mga bulaklak. Hindi naman yun galing kay Rico. Pwede mo kayang alalahanin yung mukha ko habang kasayaw kita? Baka sakaling maramdaman mo yung sayang nararamdaman ko habang nakapatong ang mga kamay mo sa balikat ko.

Tapos nung college mas lalo ka pang gumanda. Pero hindi mo pa rin ako maalala. Sa tuwing magkakasalubong tayo sa hallway ni hindi ka man lang ngumingiti. Samantalang dun sa nagtitinda sa canteen super smile ka. Grabe lang talaga. Galit ka ba sa may mga dimples saka medyo pogi? Alam mo bang sinadya kong ibenta yung motor na regalo ng nanay ko para lang masabayan ka lagi sa pag uwi? Alam mo bang ako yung lagi mong katapat ng upuan sa jeep? Oo yung sa tuwing hapon nakashades tapos hanggang gabi nakashades pa din. Ako nga yun. Paraan ko yun para mapansin mo ako. Pero wala talaga. Naisip ko tuloy kahit anong gawin ko, hindi mo matatandaan ang mukha ko. Invisible ako. Para lang akong hangin palihim na dadampi sayo ng hindi mo nakikita. Para lang akong anino mo. Plain black. Walang mukha. Kapag naaalala ko kung ilang beses akong kumaway sayo, nadudurog ako. Kasi ilang beses ka ding kumaway sa mga tao sa likuran ko pero kahit isa…walang kaway para sakin. Masakit kaya yun. Alam mo ba?

Siguro nga hanggang ngayon hindi mo pa rin ako kilala. Balita ko, Cum Laude ka daw. Congrats ah. Galing mo talaga. Idol talaga kita kahit kelan. Sayang nga lang hindi kita makikitang sabitan ng medalya. Hindi rin kita maririnig mag speech. Hindi ko makikita yung tuwa sa mukha mo habang inaabot mo yung diploma mo. Sayang talaga hindi ako kasama sa mga gragraduate. Hindi tuloy ako makakapag papicture sayo. Pero alam mo kahit kelan hindi ako nagsisi sa ginawa ko. Kahit paulit ulit akong pumatay para sayo gagawin ko. Oo fisrt love, ako yung lalaking sumaksak sa katabi mo sa jeep. Sabi ko naman sayo. Kilalang kilala kita. Alam ko kung kelan ka masaya. Alam ko din kung kelan ka takot. Nung makita ko yung mabibilis mong paglunok. Hinagilap ko agad yung bagay na nagbibigay ng discomfort sayo. Nakita ko yung kamay ng gusgusing lasing. Hindi ko napigil ang sarili ko. Agad kong kinuha yung patalim sa likuran ko. Hindi na ako nagdalawang isip. Sinaksak ko agad. Hindi ko alam kung anong nangyari sa kaso ko. Nahaluan na ata ng pulitika. Bataan daw ng mayor eh.

First love, kung maaalala mo ko. Dalawin mo naman ako. Malungkot sa seldang ito. Ang tanging nagpapasaya lang sakin ay yung mga memories na ako lang ata ang nakakaalala. Yung batang musmos na tinitiis yung gutom para lang may maisuhol na baon sa mga maghuhubad sa kanya, para lang mapangiti ka saka marinig yung tawa mo. Yung escort mo sa English Club na namigay ng mga chocolates para lang manalo. Yung makulit na laging nanghihiram ng scientific calculator sa klase nyo. Yung taong lagi mong pinapaalis. Yung amoy chikong nakasayaw mo sa JS at S Prom. Yung mga bulaklak na inamoy amoy pa. Yung pretty boy na lagi mong katapat ng upuan sa jeep. Yung laging naka shades. Yung nagpaka super hero sayo. Ako yun. Sana naaalala mo na yung mukha ko.

Ang lungkot lungkot dito sa selda. Miss na kita.

No comments:

Post a Comment